Maraming Salamat at Paalam Tita Cory
Ang pagkawala ng simbulo ng kalayaan ng bansang Pilipinas ay isang malaking kawalan ng mamamayang Pilipino. Ang kauna-unahang babaeng presidente ng Pilipinas na naging daan tungo sa demokrasya. Ang babaeng napakatatag, simple, mapagmahal, mabait at maka-Diyos.
Labing-apat na taon ako nang nabuhay ang People Power. Malayo man ako sa kaganapan, narinig ko sa radyo at nakita ko sa telebisyon ang mga pangyayari. Iba-ibang klase ng tao ang nagsamasama, may mga pari, madre, seminarista, tatay, nanay at mga bata. Mga sundalo, mayaman at mahirap. Lahat nagkaisa para sa pagpapababa ng diktador.
Naging presidente si Tita Cory…. sa loob ng anim na taon ng pamumuno nya, maraming coup ang dumaan pero hindi natinag ang dating pangulo. Hindi man naging perpekto ang pamumuno ni Tita Cory, hindi man nakontento sa serbisyo niya ang ilan sa mamayang Pilipino, hindi man natupad ang ibang pangarap para sa bayan…. ang pagiging malaya ng sambayanan ay naisakatuparan.
Sa pagkawala ni Tita Cory, marami ang nalungkot. Nalungkot dahil wala ng Cory na makikitang nakikipaglaban sa bayan, nalungkot dahil isang ina ng bayan ang nawala. Sa kabila ng lungkot, masaya na rin dahil hindi na siya naghirap. Masaya dahil kasama na niya ang kanyang mahal na asawa na si Ninoy, masaya dahil kasama na niya ang Poong Maykapal.
Sa naganap ng necronological service kagabi, lahat ng malalapit sa puso ni Tita Cory ay nagbahagi ng kanilang kuwento habang nabubuhay pa ang pangulo. Maging ang naging kritiko ni Tita Cory nagbigay ng madamdaming pahayag.
Sa huling araw ni Tita Cory… bumalik ang isang kaganapan. Gaya noong namatay at inilibing si Ninoy. Kapwa pinoy makikita mo kahit saan habang pinakikinggan at pinapanood ang huling misa kay Tita Cory. Habang inihahatid siya sa kanyang huling hantungan lahat nakikiisa sa pag-iyak. Lahat may kanya-kanyang sariling kwento. Nagsamasama sa iisang adhikain. Hindi alintana ang panahon, pagod, at gutom makapagbigay pugay at makapagpaalam lamang kay Tito Cory. Umabot ng halos siyam na oras ang funeral parade. Emosyonal hindi lamang ang mga anak at kaanak ni Tita Cory kundi pati na rin ang mga kaibigan at mga taong nakapalibot sa Memorial Park.
Sa huling hantungan ni Tita Cory, lahat ng sulok ng Pilipinas nakatutok sa telebisyon, lahat nagpugay at nagbigay galang. Si Tita Cory ay simbulo ng kapayapaan at kagitingan.
Sa iyo Madam Cory Aquino…. Maraming salamat sa pagbabahagi ng iyong buhay sa sambayanang Pilipino. Maraming salamat sa pagmamahal na iyong ipinadama sa buong Pilipino. Maraming salamat sa ‘yong pagiging ina ng iyong mga anak at ng bawat Pilipino. Magiging bahagi ka ng buhay ng bawat Pilipino.
Maraming Salamat at Paalam… Tita CORY!