Posts tagged “buhay

Ang ikalawang buhay

Naniniwala ka ba sa himala? Meron akong kwento sa ‘yo… nasa sa ‘yo na kung maniniwala ka o hindi.

Tatlong araw ang nakaraan, may bisita akong nadatnan sa bahay. Isang kaibigan na ilang taon ko ng hindi nakikita. Sa ilang taon na ‘yon, hindi ko alam kung ano ang nangyari sa buhay nya. Kaya naglakas loob akong kumustahin at tanungin siya.

Doon ko nalaman na nagkasakit pala siya. Halos tatlong taon siyang hindi nakalakad at ilang buwang nabedridden.

Ganito ang nangyari: nagkaroon siya ng mga bukol sa paa. Dahil sa bukol na ‘yon, nagpakunsulta siya sa isang doctor sa pag-asang gagaling siya. Sa ilang araw nyang pag-inom ng gamot, lalong lumubha ang kalagayan nya. Dahil sa sitwasyon, lumuwas sila ng maynila para magpakunsulta ulit. Doon nila nalaman na ang binigay na gamot sa kanya ay mali.

Dahil malayo ang maynila sa bayan namin, hindi na sila umuwi. Nagpasya ang kanyang ina at kapatid na iuwi siya sa angeles kung saan nakatira ang ate niya.

Sa pag-aakalang gagaling siya, lalong lumala ang kalagayan nya. Para siyang patay na buhay. Patay, dahil ang katawan nya ay wala ng silbi. Nakaratay na siya sa higaan. Buhay, dahil utak lang nya ang gumagana. Ni hindi na siya makakain, kahit isang baso ng gatas hindi niya maubos. Dahil sa sitwasyon niya. Naisip niyang magdasal na lamang. Humingi ng kapatawaran sa mga kasalanang nagawa. Ang magpatawad.  Baka sa makalawa bigla siyang mawala. Araw ang bumilang…. “Huwag mong bibilisan ang pagdarasal, hindi ka naiintindhan.” Sa pagdarasal niya bigla meron siyang narinig na bulong. … nagulat siya kasi wala naman siyang kasama sa kwarto. “Magdasal ka lang ng magdasal, huwag mawalan ng pag-asa…ako ang Ina ng Saklolo. Umupo ka, humarap sa silangan para makita ka niya.” Hindi nya namalayan nakaupo na pala siya. Samantalang ilang buwan na nyang hindi maigalaw ang katawan. Biglang pumasok ang ate nya, nagtaka kung bakit nakaupo siya. “Ate, nakakaupo na ako!”…napaluha ang ate niya. “Ate, sino si Ina ng Saklolo?” “Hindi mo ba siya kilala chet? Siya ang hinihingan natin ng tulong kapag meron tayong problema. Siya ang lagi natin tinatawag sa tuwing tayo ay nawawala sa landas. Siya si Mother of Perpetual Help.” “Pasensiya na ate, hindi ko alam na siya pala si Mother of Perpetual help.”

Lumipas ang mga araw, pagdarasal pa rin ang ginagawa niya. May naririnig na naman siyang bulong ….”Lumuhod ka sa harap ng altar anak para mas lalong marinig at maramdaman niya ang iyong pagdarasal.” Namalayan na lang niya na nasa harap siya ng altar nakaluhod. “Turuan mo silang magdasal…” Simula noon, sama-sama silang mag-anak sa pagdarasal. At siya, ang aking kaibigan… tuluyan ng gumaling.

Si Chet ngayon kahit hirap ang buhay patuloy pa sa paglaban. Tanging dasal ang kanyang panlaban.


Kojie

DSC01122Bandang alas singko ng umaga kanina, nagulat ako sa ikinuwento sa akin na ang alaga naming aso ay namatay. Hindi ko akalain na ang inaalagaan at minahal naming aso ay mamatay dahil lamang sa kawalanghiyaan ng mga taong sugapa sa aso.

Si Kojie (pangalan ng aming aso) ay kakaibang klaseng aso. Hindi siya pangkaraniwang aso. Isang aso na bihira lang makikita . Bata palang siya ay nadala na sa hospital dahil sa sakit na akala namin ay wala ng pag-asa. Pero ng iuwi namin si Kojie nadugtungan ang buhay niya dahil sa pagmamahal at kalinga.

Si Kojie na kinaiinggitan dahil masyadong spoiled. Si Kojie na sa tuwing lunes laging may bagong damit. Si Kojie na araw araw pinaliliguan at tinutotbrasan. Si Kojie na katabi  sa pagtulog sa kama. ‘Yan ang buhay ni kojie dahil siya ay special hindi lamang sa pag aalaga kundi special siya dahil masyadong maselan ang katawan at balat.

Si Kojie ang klase ng aso na walang balahibo. Ang tawag nga kanya kalabaw kasi parang kalabaw walang balahibo kita ang balat. Ang tawag talaga sa kanya ay Mexican Hairless. Kaya maselan ang balat nya. Magaling magkasugat at madaling mangati.

Nakakalungkot isipin na wala na si Kojie. Namatay siya dahil sa ipinaing pagkain na may lason kasama ng ina nya. May mga taong likas na walang awa talaga. Kahit na ito ay isang aso lamang… may buhay din ang aso. Nakakaramdam din ng sakit, tuwa at sama ng loob. Kung iisipin, ang aso ang bantay natin sa bahay. Ika nga, “Man’s bestfriend”.  Minsan nga ang aso ang nagliligtas sa buhay natin.

Ang aso ay parte na ng buhay namin. Bata palang ako mahilig na ako sa aso. Kaya kapag nakikita kong merong asong sinasaktan o kinakatay…. nadudurog puso ko. Minsan meron akong nadaanang bahay na may asong nililitson… napamura at napaluha ako sa galit.

Maraming aso na ang nabiktima ng kawalanghiyaan ng mga taong dumale kay Kojie. Hiling ko lang sana makarma ang mga taong gumawa ng kawalanghiyaan sa mga asong walang kalaban-laban.

Kaya ng malaman kong wala na si Kojie parang nawalan din ako ng kapatid o kapamilya. Masakit isipin na ang pinakamamahal mong alaga sa isang iglap lang. Wala ng Kojie na sasalubong sa akin sa tuwing ako ay uuwi. Wala ng Kojie na makikipagharutan sa akin. Wala ng Kojie na makikipag agawan ng pwesto ko sa higaan at makakatabi ko sa pagtulog sa gabi.


Tatay: Haligi ng Tahanan

Ngayong araw ay ang tinatawag nating Araw ng mga Ama (Father’s Day). Binabati ko ang lahat ng ama saan man sulok ng mundo.  Mabuhay kayo sa pagiging haligi ng tahanan!

Sa tatay ko na kahit wala na siya sa mundong ito, hindi ko pa rin makalimutan ang panahong nakapiling ko sya. Ang tatay na gumabay sa akin at itinuring akong isang tunay na anak. Ang tatay na minsan ay nanay. Ang tatay na nagsakripisyo para mabuhay ang pamilya.

Bente anyos ako ng sumakabilang buhay ang kinilalang kong ama. Simula’t sapol, siya ang gumabay sa akin. Naalala ko noong apat na taon palang ako. Si tatay at nanay ay parehong guro sa pampublikong paaralan. Naka-assigned sila sa isang remote area. Kung saan napakahirap puntahan, ilang oras na paglalakad bago marating ang lugar na pinagtuturuan nila. Si tatay na kahit anong hirap at layo ng lugar, mas pinili pa ang isama ako at kargahin sa tuwing sila ay papasok sa trabaho. Ayaw na ayaw niya kasing maiwan ako sa bahay o di kaya ibilin sa kapitbahay.

Si tatay na simula’t sapol, ang siyang bumibili sa akin ng damit kaysa kay nanay. Alam ni tatay ang gusto kong style sa damit kaya siya ang tagabili ng damit ko. Si tatay ang isang tipo ng ama na istrikto pero cool. Huwag mo lang suwayin ang gusto niya… magkakaintindihan kayo. Sabi nga ng nanay ko, spoiled daw ako sa tatay ko. Oo spoiled ako pero sa tamang lugar at tamang oras. Hindi ako ‘yong tipong spoiled na lahat ng gusto nasusunod. Na kapag hindi naibigay ang gusto nagwawala. Yon ang ayaw na ayaw ni tatay. Ibinibigay niya ang gusto ko kung kaya niya, kung hindi huwag pilitin dahil mapapalo ka lang. Ako yong spoiled na nahagupit niya minsan ng sinturon dahil sa kapilyahan ko.

Si tatay ang taga disiplina ko. May tuntunin akong sinusunod pagdating sa pag-aaral at sa mga kaibigan. Ayaw ni tatay na umaalis ako ng bahay na hindi niya alam. Ayaw ni tatay na sa labas ako ng bahay tumatambay. Mas gusto  niyang mga kaibigan ko ang tumambay sa bahay kasi nakikita niya ako. Ganyan ako kamahal ng ama ko. Naging mabuti siyang ama at asawa. Si tatay na ang kaligayahan ay makita akong masaya at tagumpay sa buhay. Dahil bago siya lumisan… kahit comatose na siya… ako pa rin ang inaalala niya. Bumigay lang si tatay ng sabihin ng nanay ko na “huwag kang mag-alala dahil hindi ko pababayaan anak natin.”

Noong time bago namatay tatay ko, alam niyang nag-titraining ako sa badminton para sa isang liga. Nang nararamdaman niyang hindi na siya magtatagal sa mundo, sinabi niya sa akin na ituloy ko lang laro ko anuman ang mangyari.

Kaya sa iyo aking TATAY, maraming salamat sa iyo! Naalala at namimiss kita lagi. Alam ko kahit nasa kabilang buhay ka na, hindi mo ako pinababayaan.