pamilya

Sa Piling ni Nanay

Sana’y di nagmaliw ang dati kong araw
Nang munti pan
g bata sa piling ni nanay
Nais kong maulit ang awit ni inang mahal
Awit ng pag-ibig habang ako’y nasa duyan

Sa aking pagtulog na labis ang himbing
Ang bantay ko’y tala, ang tanod ko’y bituin
Sa piling ni nanay, langit ay buhay
Puso kong may dusa sabik sa ugoy ng duyan

Sa tuwing naririnig ko ang kantang ito, hindi ko maiwasang di mapangiti at magbalik tanaw noong panahong bata pa ako. Kay sarap balikan ng panahong dinuduyan ako sa pagmamahal ni nanay. Hindi man kagandahan ang boses ni nanay sa pagkanta, matamis at malamig sa puso ko ang pakinggan ang kanta niya. Kantang nagbibigay ng saya at katahimikan sa buhay ko.

Sa piling ni nanay walang hihigit pa sa anumang bagay na nakapaligid sa akin ngayon. Sa piling ni nanay na laging gumagabay para sa tuwid at maayos na pamumuhay. Sa piling ni nanay na laging nagbibigay ng lakas at pag-asa sa tuwing ako ay nakakaramdam ng kahinaan at pagsuko sa paglaban sa masalimuot na buhay. Sa piling ni nanay na lagi ang gusto ay para sa ikabubuti ng aking buhay…..iilan lamang ito sa mga katangian ng isang nanay na pagmamahal ang inialay sa mahal niyang anak.

Si nanay….. isang huwarang ina, isang istriktong guro, isang mapagmahal na kapatid, isang mapagkatiwalaang kaibigan, isang maarugang tiyahin, isang maalalahaning lola……. ay taas noo kong ipinagmamalaki sa buong mundo. Sa iyo NANAY, lubos akong nagpapasalamat sa paglaan ng iyong buhay para sa akin. Isa kang DAKILANG INA para akin. Kung bibigyan ako ng pagkakataong magkaroon ng pangalawang buhay, ikaw pa rin ang pipiliin kong maging ina na siyang duduyan sa akin sa pagmamahal.

Sa iyo aking nanay, maraming salamat sa pagmamahal na iyong alay.


Kojie

DSC01122Bandang alas singko ng umaga kanina, nagulat ako sa ikinuwento sa akin na ang alaga naming aso ay namatay. Hindi ko akalain na ang inaalagaan at minahal naming aso ay mamatay dahil lamang sa kawalanghiyaan ng mga taong sugapa sa aso.

Si Kojie (pangalan ng aming aso) ay kakaibang klaseng aso. Hindi siya pangkaraniwang aso. Isang aso na bihira lang makikita . Bata palang siya ay nadala na sa hospital dahil sa sakit na akala namin ay wala ng pag-asa. Pero ng iuwi namin si Kojie nadugtungan ang buhay niya dahil sa pagmamahal at kalinga.

Si Kojie na kinaiinggitan dahil masyadong spoiled. Si Kojie na sa tuwing lunes laging may bagong damit. Si Kojie na araw araw pinaliliguan at tinutotbrasan. Si Kojie na katabi  sa pagtulog sa kama. ‘Yan ang buhay ni kojie dahil siya ay special hindi lamang sa pag aalaga kundi special siya dahil masyadong maselan ang katawan at balat.

Si Kojie ang klase ng aso na walang balahibo. Ang tawag nga kanya kalabaw kasi parang kalabaw walang balahibo kita ang balat. Ang tawag talaga sa kanya ay Mexican Hairless. Kaya maselan ang balat nya. Magaling magkasugat at madaling mangati.

Nakakalungkot isipin na wala na si Kojie. Namatay siya dahil sa ipinaing pagkain na may lason kasama ng ina nya. May mga taong likas na walang awa talaga. Kahit na ito ay isang aso lamang… may buhay din ang aso. Nakakaramdam din ng sakit, tuwa at sama ng loob. Kung iisipin, ang aso ang bantay natin sa bahay. Ika nga, “Man’s bestfriend”.  Minsan nga ang aso ang nagliligtas sa buhay natin.

Ang aso ay parte na ng buhay namin. Bata palang ako mahilig na ako sa aso. Kaya kapag nakikita kong merong asong sinasaktan o kinakatay…. nadudurog puso ko. Minsan meron akong nadaanang bahay na may asong nililitson… napamura at napaluha ako sa galit.

Maraming aso na ang nabiktima ng kawalanghiyaan ng mga taong dumale kay Kojie. Hiling ko lang sana makarma ang mga taong gumawa ng kawalanghiyaan sa mga asong walang kalaban-laban.

Kaya ng malaman kong wala na si Kojie parang nawalan din ako ng kapatid o kapamilya. Masakit isipin na ang pinakamamahal mong alaga sa isang iglap lang. Wala ng Kojie na sasalubong sa akin sa tuwing ako ay uuwi. Wala ng Kojie na makikipagharutan sa akin. Wala ng Kojie na makikipag agawan ng pwesto ko sa higaan at makakatabi ko sa pagtulog sa gabi.


Tatay: Haligi ng Tahanan

Ngayong araw ay ang tinatawag nating Araw ng mga Ama (Father’s Day). Binabati ko ang lahat ng ama saan man sulok ng mundo.  Mabuhay kayo sa pagiging haligi ng tahanan!

Sa tatay ko na kahit wala na siya sa mundong ito, hindi ko pa rin makalimutan ang panahong nakapiling ko sya. Ang tatay na gumabay sa akin at itinuring akong isang tunay na anak. Ang tatay na minsan ay nanay. Ang tatay na nagsakripisyo para mabuhay ang pamilya.

Bente anyos ako ng sumakabilang buhay ang kinilalang kong ama. Simula’t sapol, siya ang gumabay sa akin. Naalala ko noong apat na taon palang ako. Si tatay at nanay ay parehong guro sa pampublikong paaralan. Naka-assigned sila sa isang remote area. Kung saan napakahirap puntahan, ilang oras na paglalakad bago marating ang lugar na pinagtuturuan nila. Si tatay na kahit anong hirap at layo ng lugar, mas pinili pa ang isama ako at kargahin sa tuwing sila ay papasok sa trabaho. Ayaw na ayaw niya kasing maiwan ako sa bahay o di kaya ibilin sa kapitbahay.

Si tatay na simula’t sapol, ang siyang bumibili sa akin ng damit kaysa kay nanay. Alam ni tatay ang gusto kong style sa damit kaya siya ang tagabili ng damit ko. Si tatay ang isang tipo ng ama na istrikto pero cool. Huwag mo lang suwayin ang gusto niya… magkakaintindihan kayo. Sabi nga ng nanay ko, spoiled daw ako sa tatay ko. Oo spoiled ako pero sa tamang lugar at tamang oras. Hindi ako ‘yong tipong spoiled na lahat ng gusto nasusunod. Na kapag hindi naibigay ang gusto nagwawala. Yon ang ayaw na ayaw ni tatay. Ibinibigay niya ang gusto ko kung kaya niya, kung hindi huwag pilitin dahil mapapalo ka lang. Ako yong spoiled na nahagupit niya minsan ng sinturon dahil sa kapilyahan ko.

Si tatay ang taga disiplina ko. May tuntunin akong sinusunod pagdating sa pag-aaral at sa mga kaibigan. Ayaw ni tatay na umaalis ako ng bahay na hindi niya alam. Ayaw ni tatay na sa labas ako ng bahay tumatambay. Mas gusto  niyang mga kaibigan ko ang tumambay sa bahay kasi nakikita niya ako. Ganyan ako kamahal ng ama ko. Naging mabuti siyang ama at asawa. Si tatay na ang kaligayahan ay makita akong masaya at tagumpay sa buhay. Dahil bago siya lumisan… kahit comatose na siya… ako pa rin ang inaalala niya. Bumigay lang si tatay ng sabihin ng nanay ko na “huwag kang mag-alala dahil hindi ko pababayaan anak natin.”

Noong time bago namatay tatay ko, alam niyang nag-titraining ako sa badminton para sa isang liga. Nang nararamdaman niyang hindi na siya magtatagal sa mundo, sinabi niya sa akin na ituloy ko lang laro ko anuman ang mangyari.

Kaya sa iyo aking TATAY, maraming salamat sa iyo! Naalala at namimiss kita lagi. Alam ko kahit nasa kabilang buhay ka na, hindi mo ako pinababayaan.