komunidad

Tampisaw at Kabataan

“Mga inosenteng halakhak ng kamusmusan… walang suliranin… walang away-pulitika… walang paligsahan… mga nakakainggit na larawang atin ding pinanggalingan.”

Kuha ito sa isang sapa patungong Pan-As Falls sa Calbayog City, Samar.

Ito ay kalahok sa Ika-apat na Saranggola Blog Awards.


Mga Nakakatawang Pick-up Lines ni Sen. Miriam

Araw-araw tayong nakakarinig na mga pick-up lines saan mang sulok sa Pilipinas. Sa TV, Radyo, kahit sa tabi-tabi. Para bang isang kanta na pumatok at kinakanta ng lahat.

Ganito ang nangyari sa pick-up lines. Nauso at parang sakit na humawa sa lahat. Ang mga  pick-up lines na ating naririnig ay galing sa bibig ng ating matapang na senadora na si Miriam Defensor. Ito ay pumatok sa takilya… kung bakit? ….. pakibasa na lang sa baba.

FUNNY PICK UP LINES

“Nakalimutan ko ang pangalan mo eh, pwede bang tawagin na lang kitang akin?”

Kung magkakaroon ako ng sariling planeta, gusto ko ikaw ang axis nito, para sa ‘yo sa lang iikot mundo ko.”

“Sana naka-off ang ilaw para tayo na lang mag-On.”

“Sana FB status ka na lang, para pwede kitang i-like.”

“Noodles ka ba? Kasi Lucky me!”

“Galing mo din ano? Di mo pa ako binabato tinamaan mo na ako.”

“Para kang hold-upper, lahat ibibigay ko sa ‘yo ‘wag lang akong saktan.”

“Nakalunok ka ba ng kwitis? Kasi ngumiti ka may spark.”

“Nakalimutan ko pangalan mo eh, pwede bang tawagin na lang kitng akin?”

“Google ka ba? Lahat kasi ng hinahanap ko, sa ‘yo ko natagpuan.”

“Pangalan mo pa langm kinikilig na ako. Paano kaya kung magkaapilyedo na tayo.”

“Ano height mo? Paano ka nagkasya sa puso ko?”

 

TARAY PICK UP LINES

“Masasabi mo bang bobo ako? Kung ikaw lang naman ang laman ng utak ko.”

“When someone told me “ang ganda mo”, I answered “sana ikaw rin.”

“Hindi ko sinasabing maganda ako, ang sinasabi ko lang pangit ka.”

“Straw ka ba? Kasi sip-sip ka na, plastic ka pa.”

 

 

 


Sampung Utos sa Tamang Paggamit ng Tubig

  1. Mag-imbak ng tubig. Halimbawa, huwag hayaang tumulo ang tubig sa gripon habang ikaw ay natotoothbrush. Isara ang gripo at buksan lamang ito kapag ikaw ay handa ng magbanlaw ng iyong bibig.
  2. Huwag iwanang bukas ang gripo kapag walang tubig. Kapag ang tubig ay bumalik na wala ka, ang mangyayari, daan-daang gallon ng tubig ang aagos at babaha ang iyong bahay.
  3. Kumpunihin agad kahit na ang pinakamaliit na leaks sa iyong tubo. Ang mga ito ay medaling lumaki ng wala sa oras maliban na lamang kung tumawag ka agad ng tubero. Tandaan na ang isang maliit na tulo ay maaaring makalunod ng isang malaking barko.
  4. Maglagay ng tubig sa malinis at saradong lalagyan para sa panahong mawalan ng tubig meron kang makukuha. Maaaring magamit ito sa panahon ng emergency, halimbawa, kapag may sunog sa iyong bahay or sa iyong lugar.
  5. Kahit na ang iyong bahay ay konektado sa isang subdibisyon o pampublikong sistema ng tubig, ito ay isang magandang ideya para sa iyo na magkaroon ng sariling poso. Ang iyong sariling poso ay magagamit mo kung sakaling may sira at inaayos ang tubig pampubliko.
  6. Humingi ng sanitasyon sa iyong local na health center upang pag-aralan ang iyong tubig upang matiyak na ang iyong pamilya at ikaw ay ligtas sa pag-inom ng tubig. Ito ay para mapigilan ang anumang klase ng sakit galing sa tubig.
  7. Huwag gumawa ng iligal na koneksyon sa isang pampublikong sistema ng tubig. Ang pagnanakaw ng tubig ay isang krimen hindi lamang sa mga supplier ng tubig ngunit laban sa lipunang pangkalahatan.
  8. Magtanim ng mga puno para makatulong sa pag-imbak ng tubig para sa atin. Tandaan na ang malaki at malawakang paghubad ng ating kagubatan ay maaring magresulta sa kawalan ng tubig sa panahon ng tag-init o baha sa panahon ng tag-ulan.
  9. Huwag itapon ang basurasa kanal, esteros, daluyan, ilog, dagat at iba pang mga katawang tubig. Mamamatay ang mga namumuhay sa tubig dahil sa marumi at maitim na tubig at makakasira sa anumang bagay na may kinalaman sa tubig.
  10. Uminom ng espirituwal na buhay ng tubig. Ang sabi ng ating mahal na Panginoon, “kung sino ang nauuhaw, lumapit sa akin at ikaw ay aking paiinumin.”

Ang Unang SONA ni PNoy

Lahat tayo ay nasaksihan ang unang SONA ni P-Noy. Sa panimulang salita ni P-Noy, narinig natin ang kanyang pag-uulat tungkol sa nagdaang administrasyon at kalagayan ng ating bansa. Inilahad niya ang mga problema na iniwan ng dating Pangulong Arroyo. Na sa tingin ko ay tama naman na ilahad niya ang dapat malaman ng taong bayan.

Bagamat hindi malinaw ang kanyang programa, naiintindihan ko kung bakit. Mahirap mangako lalo na kung sa tingin mo ay mahirap matupad. Lalo na sa panahon ngayon na puro problema at kakulangan sa pundo ang kinakaharap ni PNoy. Naalala ko ang sinabi niya noong Hunyo 30 sa kanyang inagurasyon, na sa kanya ngayon ang kalbaryo. Totoo naman, sinong president ang hindi sasakit ang ulo kung ganito kalaki ang problemang ibinilin sa kanya?

Tayong mga Pilipino ay matagal ng naghahangad ng maganda at matinong mamamahala ng ating bansa. May punto si Pnoy sa pagsasabing, magtulungan tayo para sa ikakaunlad ng ating bansa. Hindi lamang siya ang kikilos kundi tayong mga pinoy.

Sa kanyang State of the Nation Address, wala mang pangakong binitawan, umaasa ako na sana magkaroon ng solusyon ang mga problema. Magkaisa sana tayong mga Pilipino sa pagtulong sa pagpapabuti ng ating mahal na bayan. Hangad ko rin ang kapayapaan sa Mindanao at katarungan sa mga taong hindi nabigyan ng hustisya.

Bilang isang pinoy, ako ay magbabantay, makikibahagi at makikilahok. Sana kayo rin!


Ang bagong administrasyon ng Pilipinas sa pamumuno ni P-Noy

Sa tanang buhay ko ngayong lang ako tumutok sa inagurasyon ng pangulo ng pilipinas. Dati kasi wala akong pakialam. Hindi ako ‘yong taong politically inclined. Ang ibig kong sabihin, pagdating sa ganyang usapin, hindi ako ang taong nagbibigay ng opinion at nakikipagdiskusyon.

Pero dumating sa puntong naiba na, naging concerned ako sa mga nangyayari sa gobyerno natin. Sa mga katiwalian ng bawat sector sa gobyerno. Simula ng nakatikim ang nanay ko ng hindi pagtanggap ng kanyang pension sa loob ng walong buwan, doon ko naisip na iba na ito. Na ganito pala talaga ang kalakaran ng gobyerno.

Sa pagpalit ng bagong administrasyon sa pamumuno ni P-Noy, marami ang naghahangad ng pagbabago at isa na ako. Hindi maikakaila na pagod na tayong mga pinoy sa mga katarantaduhan ng nagdaang administrasyon.

Sa mga sinabi ni P-Noy, nagagalak ako at napaisip na sana ito na ang pagbabagong hinahangad ng bawat Pilipino. Totoo, walang pagbabago kung siya lang na pangulo ang kikilos. Kung walang tulong na galing sa mamamayan. Kung hindi transparent ang lahat ng kawani sa gobyerno. Kung may mga magnanakaw, kung may nangongotong. Ang pagbabago ay dapat simulan ng bawat Pilipino hindi lang ng pangulo.

Si P-Noy daw ay kulang sa karanasan (ayon sa kanyang mga kritiko) bilang mambabatas. Paano daw niya pamumunuan ang bayan? Hindi natin alam, pero hindi naman siya siguro mangangahas na tumakbo at umupo bilang pangulo kung sa kanyang palagay ay walang siyang kapasidad mamuno. Oo, kulang siya sa karanasan. Oo, wala siyang nagawa (daw) noong siya ay kongresista at senador pa. Bakit, ‘yong mga naging pangulo at sobra sa karanasan ba ay naging maayos ang takbo ng Pilipinas? Hindi nga ba ang nagdaang pangulo ay sobra-sobra ang karanasan pero ang nangyari puro kurakot ang alam! Hindi nga ba dahil marami siyang alam, halos ang yaman ng bayan ay muntik ng masamsam!

Ngayon natin masusubok ang kakayanan ni P-Noy. Bigyan natin siya ng pagkakataong mamuno gaya ng pagbibigay natin sa mga nagdaang pangulo. Suportahan natin ang kanyang mga panukala para sa ikagaganda ng bayan. Ipagdasal natin na sana hindi siya malihis sa baluktot na daan at magkaroon ng tapat ng mga kabinete.

Sa kapwa ko pinoy, magtulong-tulong tayo sa pagpapaunlad at pagbabago ng ating bayan.


Si PGMA ay lumagda sa isang akda na naglalayong palitan ang TTMIST para maging NSSU

Noong Oktubre 14, pinirmahan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Republic Act 9,719 sa pagpapalit ng Tiburcio Tancinco Memorial Institute of Science and Technology (TTMIST) upang maging ganap itong unibersidad at papangalanang Northwest Samar State University (NSSU). Ang unibersidad ay pinangungulohan ni Dr. Socorro Bohol.

Ayon kay Dr. Bohol, ang pagiging unibersidad ng paaralan ay magbibigay ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga magtatapos. “Inaasahan namin ang pagtaas ng mga enrollees dahil sa pagiging unibersidad na ibinigay sa amin,” ayong kay Bohol.

Sinabi din ni Dr. Bohol na ang pagiging unibersidad ay isang malaking karalangan at malaking responsabilidad para sa kanila para matiyak ang mga pamantayan  ng pagiging isang unibersidad.

“Ang Commission on Higher Education (CHED) ay walang anumang inaasahan kundi isang pamantayan ng pagganap sa mga nangungunang unibersidad sa bansa,” ayon kay Dr. Bohol.

Sa darating na Nobyembre, sa kanilang Board meeting…magdedesisyon sila kung kalian ang inagurasyon at installation ng pangulo ng unibersidad.

Si Dr. Bohol ay pinarangalan bilang unang pangulo ng unibersidad at unang pangulo na babae.


Ang ika-61st Anibersaryo ng Calbayog City

Sa silibrasyon ng ika-61st anibersaryo ng Calbayog, maraming gawain ang naka-iskedyul ngayong oktubre. Ang iskedyul ng mga gawain para sa 61 Anibersaryo ng Calbayog Calbayog ay nailabas na. Ang limang-araw na pagdiriwang ay magsisimula sa Oktubre 12, 2009 alas 6:00 ng gabi.

Narito ang isang detalyadong listahan ng mga gawain:

Oktubre 12, 2009

– 6:00 pm: Pagbubukas ng Fun Center, Agri-Fair, Food Kubol, Beer Plaza at Tiangge-kiosks.
– 8:00: Street Beat Party Mix kasama ang isang International DJ, Strakatz at Voyztag Bands.

Oktubre 13, 2009

– 5:00: Tinapa Foodfest
– 6:00: PBA Legends vs Calbayog selections. Ang mga inaasahan na lalahok ay sina Nelson Asaytono, Benjie Paras, Noli Locsin, Rey Evangelista, Ronnie Magsanoc, Alvin Patromonio at Allan Caidic.
– 8:00: PBA Legends photo ops / clinic

Oktubre 14, 2009

– 9:00: Math olimpyad / quiz Bee
– 7:00: Aegis Live in Calbayog

Oktubre 15, 2009

– 9:00: Medical / Dental Mission
– 7:00: SABADO Boys Live in Concert

Oktubre 16, 2009

– 7:00: Charter Day parade
– 9:00: Calbayog City Sport Center inauguration; Awarding ng The Most Outstanding Calbayognon.
– 10:00: Pa-raffle sa Barangay
– 7:00: Renz Verano, May Rivera at Jackston Brothers Live!

61charter


Salot ka ba ng kalikasan o kaibigan?

Ang Pilipino ay may kaugalian  na kapag dumating ang kahirapan, sakuna, trahedya o problema, ang pagkabayani ay hindi ipinagdadamot maliit man o malaking bagay basta pagtulong sa kapwa ay hindi nagdadalawang isip.

the spirit of bayanihan
the spirit of bayanihan

Ito ngayon ang ating nakikita san man sulok ng mundo. Nakikita natin ang pagiging matulungin mahirap man o mayaman, bata man o matanda, may sariling isip kung ano dapat maibigay at maitulong. Hindi natin maikakaila na likas na sa ating mga pinoy ang pagkakaroon ng malambot na puso. Tayong mga pinoy ay hindi maramot. Likas sa atin ang pagiging matulungin.

Halimbawa na lang ang pangyayari ngayon, kahit na ‘yon mismong nasalanta sa bagyong Ondoy… sila rin ay tumulong sa pagsagip, pagpapasilong sa kani-kanilang mataas na bahay, pagshare ng kanilang pagkain. Meron pa ngang nagbuwis ng buhay para masagip ang mga taong nangangailan ng tulong.

Ang mga pribadong sector, mga estudyante, mayayaman, medya, artista, politicians…. Lahat nagkakaisa sa pagtulong sa paglilinis ng mga lugar, bahay, at paaralan. Nagtulong-tulong sa pagbabalot at pagbibigay ng mga relief goods.

Lahat ng ito ay kusang gawa ng kapwa natin Pilipino. Lahat ng ito ay ginagawa dahil sa pagmamahal sa kapwa natin Pilipino.

Hindi nga ba nakakataba ng puso na nakakatulong tayo sa kapwa natin? Hindi nga ba mas maganda na ang biyayang bigay sa atin ng Diyos ay ibahagi natin?

Kapag ganito tayo lagi… doble ang biyayang naibabalik sa atin ng hindi natin namamalayan.

Oo, meron iba dyan na makasarili. Minsan meron pa ngang manloloko, nangguguyo, nagnanakaw…. Pero iilan lang sila… naging bahagi na sila ng buhay. Kagaya ng mga salot sa ating kalisan… ang baha ay bahagi na ng ating kalikasan dahil na rin sa pagiging burara ng ibang tao. Dahil na rin sa hindi inaalagaan ng maayos ang kapaligiran. Dahil na rin sa kung saan saan tinapon ang mga basura, mga pagputol ng punongkahoy, mga pagmimina na wala sa lugar at pagka-ingin. Iilang lamang ‘to sa mga rason kung bakit tayo nakakaranas ng ganitong sakuna.

tree

Sana lang, sa nangyaring ito sa ating bansa… ito’y aral sa atin upang tayo ay mag-isip ng tamang gawin at magbago na rin. Huwag nating hahayaang maulit pang muli ang trahedya. Huwag natin hayaan na ang mga susunod na henerasyon ay hindi na makita pa ang kagandahan ng kalikasan. Huwag natin hayaan na sila ay makaranas ng naranasan ng iba ngayon.

Sa puntong ito… hindi lang kasikasan ang maganda, pati na rin tayong mga nilalang. Magandang pamumuhay ang ating masisilayan at masarap na hangin ang malalanghap.

Ikaw kaibigan, pipiliin mo ba ang maging salot ng kalikasan o maging kaibigan?


Ang bangis ni Ondoy

Habang pinapanood ko sa telebisyon ang mga balita tungkol sa bagyong Ondoy, parang nadurog ang puso ko sa mga nangyayari.. Pakiramdam ko isa ako sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy.

Ang hindi inaasahang mangyayari sa buhay natin ay nangyari na nga. Ang hagupit ng kalikasan ay hindi natin saklaw. Wala itong pinipiling lugar at oras.

Sa hagupit ni Ondoy, bumaha sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas lalo sa Marikina, Quezon City, Rizal at mga karatig bayan. Lampas tao ang baha. Lumubog ang maraming bahagi sa Central Luzon. Rumaragasa ang tubig ng malakas at tumaas ng bigla. Sa hagupit ni Ondoy, naroong may landslide, pagkaguho ng tulay at pader.

Sa Marikina ang pinakamalala ang sitwasyon. Halos bubong ng mga kabahayan na lang ang nakikita dahil sa taas ng tubig. Kaya ang mga tao nasa ibabaw ng bubong. Naghihintay ng tulong para sila ay masagip. Ang iba ilang araw ng babad sa bubong na basa at nanginginig ang katawan, walang matulugan at walang makain.

Dahil sa bagyong Ondoy marami ang namatay, nasugatan at nawawala. sa araw na ito nadagdagan ang mga namatay… umabot na sa 240, marami pa rin ang nawawala. Ilang pamilya ang nawalan ng tirahan, kagamitan, sasakyan, pera at mga mahal sa buhay. Ang bangis ni Ondoy ay malaking pinsala ang idinulot. Nawala ang supply ng tubig at koryente.

Ilang bilyong halaga ang pinsalang dulot ni Ondoy. Pinsalang matagal tagal pang igugugol para buohin muli.

image1

image3

rescue 3

rescue 2


Ton-ok Falls, isa sa ipinagmamalaki ng mga Samareño

Sa tanang buhay ko ngayon lang ako nakarating sa Ton-ok Falls. Kung iisipin malapit lang puntahan ang falls. Actually, pangalawang beses ko na

Sept. 9, 2009, katatapos lang ng fiesta sa lugar namin (Calbayog City)…. Nagkayayaan kami sa bahay magpunta sa Ton-ok Falls kahit na pagod sa nagdaang fiesta. Iyon ay dahil na rin sa rasong may maibabaon kami dala ng sobrang pagkain sa fiesta hehehe.

Ang Ton-ok Falls ay mararating ng 45 minutos lamang sakay sa isang klaseng sasakyan na dito mo lang makikita sa Calbayog City. Ang tawag naming sa sasakyang ito ay CENTER CAR. Bakit nga ba center car?…. single na motor siya na naiconvert na parang multicab Iyon nga lang… nasa sentro ng sasakyan ang motor na ginawan ng kaha gaya ng multicab. O di ba! Kakaiba siya!

Nang makarating kami sa Brgy. Sigo, naglakad pa kami ng 25-30 minutos at tumawid sa hanging bridge na ang haba ay 50 meters. Ang ibang kasamahan namin takot tumawid. Kaya tuloy natrapik sa gitna ng bridge =)) at lahat kami nasa gitna.

Umabot ng isang kilometro ang nilakad namin na nagdulot naman ng kaginhawaan ng marating at makita ang falls. Ang Ton-ok Falls ay isang tanawing talon at larawan sa pamamagitan ng mga bato at tubig na parang serye ng katarata-tulad ng mga hakbang mula sa ibaba galing sa pinakamataas na bahagi ng bundok. Ang Mini-Hydro Electric Power Plant ay matatagpuan dito.

ton-ok 8

ton-ok 9

ton-ok 4

ton-ok 6

ton-ok 17


Ang Fiesta ng Calbayog

Taon-taon ang fiesta ng Calbayog City ay laging bongga kung magcelebrate. Hindi lang isang araw kundi isang linggong meron activities na mapapanood.

Sa taong ito….. nagkaroon ng malaking selebrasyon ang calbayog dahil sa bagong bukas na Gymnasium. Ang pinakamalaking Gym sa isla ng Samar.

gym2_ctr

Simula Setyembre uno hanggang otso…. gabi-gabi may mapapanood ka.

Ang Hadang Festival (Sarakiki) ay isang paraan ng pagsasayaw na ang kilos ay parang isang manok. Ito ay street dancing. Naging entry at nanalo ang Sarakiki sa Aliwan Festival. Ang hadang ay isang ritual dance na nag aalay ay isang pamahiin.

3_Noel

Isa sa mga naging atraksyon sa Hadang Festival ay ang konsyerto ni Noel Cabangon na ginanap noong Setyembre 3. Si Noel ay nakilala sa mga kanta nya tulad ng KANLUNGAN at TATSULOK. Sinundan naman ito kinabukasan ng gabi ng isang beauty pageant. Eto ay MS. ANYAG (beauty).

4_Ladine

Setyembre 5 naman ay si Ladine Roxas ang nagbigay saya sa mga Calbayognon. Syempre hindi pahuhuli ang local artists. Nagbigay saya din sila maliban kay Ladine.

5_MMYMP

Setyembre 6 naman ay pinamunuan ng MYMP (make your momma proud). Syempre MYMP sila…. punong-puno ang gymnasium. Meron pa ngang hindi nakapasok. Pero dahil ang capacity ng gym ay hindi naman masyadong malaki para iaccomodate ang mga tao…. nagtyaga na lang ang iba sa labas sa pakikinig.  Dahil nag-enjoy ang lahat… napakanta pa ng isa si Joris.

Ang pinakahuling araw (septyembre 7) ay puro mga artista ang naglaro ng basketball. Sa kasamaang palad hindi nakapanood ang inyong lingkod dahil sa sobrang busy na sa bahay sa pag-aasikaso. Ayon sa kwento ng mga nakakita… nag enjoy daw sila dahil puro patawa daw ang isang artista.


Maraming Salamat at Paalam Tita Cory

Ang pagkawala ng simbulo ng kalayaan ng bansang Pilipinas ay isang malaking kawalan ng mamamayang Pilipino. Ang kauna-unahang babaeng presidente ng Pilipinas na naging daan tungo sa demokrasya. Ang babaeng napakatatag, simple, mapagmahal, mabait at maka-Diyos.

3764689605_26b849a840_m

Labing-apat na taon ako nang nabuhay ang People Power. Malayo man ako sa kaganapan, narinig ko sa radyo at nakita ko sa telebisyon ang mga pangyayari. Iba-ibang klase ng tao ang nagsamasama, may mga pari, madre, seminarista, tatay, nanay at mga bata. Mga sundalo, mayaman at mahirap. Lahat nagkaisa para sa pagpapababa ng diktador.

lopezphoto

Naging presidente si Tita Cory…. sa loob ng anim na taon ng pamumuno nya, maraming coup ang dumaan pero hindi natinag ang dating pangulo. Hindi man naging perpekto ang pamumuno ni Tita Cory, hindi man nakontento sa serbisyo niya ang ilan sa mamayang Pilipino, hindi man natupad ang ibang pangarap para sa bayan…. ang pagiging malaya ng sambayanan ay naisakatuparan.

cory_aquino_pic

Sa pagkawala ni Tita Cory, marami ang nalungkot. Nalungkot dahil wala ng Cory na makikitang nakikipaglaban sa bayan, nalungkot dahil isang ina ng bayan ang nawala. Sa kabila ng lungkot, masaya na rin dahil hindi na siya naghirap. Masaya dahil kasama na niya ang kanyang mahal na asawa na si Ninoy, masaya dahil kasama na niya ang Poong Maykapal.

3790651261_f01b596f41_m

Sa naganap ng necronological service kagabi, lahat ng malalapit sa puso ni Tita Cory ay nagbahagi ng kanilang kuwento habang nabubuhay pa ang pangulo. Maging ang naging kritiko ni Tita  Cory nagbigay ng madamdaming pahayag.

3791253127_174502910f_m

Sa huling araw ni Tita Cory… bumalik ang isang kaganapan. Gaya noong namatay at inilibing si Ninoy. Kapwa pinoy makikita mo kahit saan habang pinakikinggan at pinapanood ang huling misa kay Tita Cory. Habang inihahatid siya sa kanyang huling hantungan lahat nakikiisa sa pag-iyak. Lahat may kanya-kanyang sariling kwento. Nagsamasama sa iisang adhikain. Hindi alintana ang panahon, pagod, at gutom makapagbigay pugay at makapagpaalam lamang kay Tito Cory. Umabot ng halos siyam na oras ang funeral parade. Emosyonal hindi lamang ang mga anak at kaanak ni Tita Cory kundi pati na rin ang mga kaibigan at mga taong nakapalibot sa Memorial Park.

Sa huling hantungan ni Tita Cory, lahat ng sulok ng Pilipinas nakatutok sa telebisyon, lahat nagpugay at nagbigay galang.  Si Tita Cory ay simbulo ng kapayapaan at kagitingan.

Sa iyo Madam Cory Aquino…. Maraming salamat sa pagbabahagi ng iyong buhay sa sambayanang Pilipino. Maraming salamat sa pagmamahal na iyong ipinadama sa buong Pilipino. Maraming salamat sa ‘yong pagiging ina ng iyong mga anak at ng bawat Pilipino. Magiging bahagi ka ng buhay ng bawat Pilipino.

Maraming Salamat at Paalam… Tita CORY!

3790793933_2cfa94cbe9_m


CON-ASSwang?!?

no-to-con-assAno nga ba ang talagang usapin tungkol sa CON-ASS na ‘to? Ano ba ang patutunguhan sa isyong ‘to? Ito Usapin na dapat malinaw sa lahat.  Pero sa simula pa lang, malinaw na maging sa mga nagsulong ng resolusyon 1109 na mali ang kanilang ginagawa, kaugnay ng nakasaad sa batas at pambansang interes, paano maaasahang magbabago ang isip ng mayorya? Ang kailangang gawin nila ay ang ilantad ang buong kabulukan ng mga taong ito na masugid na tagapagtaguyod ng CON-ASS.

Kung tutuusin naman talaga, kailangan talagang baguhin ang constitution. Pero hindi kailangang-kailangan gaya ng pagmamadali ng administrasyon ngayon. Ito ay isang bagay na napakahalaga para sa republika na hindi dapat minamadali. Isang bagay na dapat pagtuunan ng pansin at pag-usapan. Kailangan baguhin pero napakalinaw na dapat tutulan ang lahat ng pakana ng administrasyon na baguhin ang konstitusyon hangga’t iba gusto ng administrasyon kung bakit dapat baguhin sa sagot ng interes ng sambayanang Pilipino. Walang mali sa pagpapalit, pagsasaayos at pagbabago ng ilang mga nakasulat sa constitution kung  ito ay para sa ikabubuti ng bayan. Pero kung para lang sa ikabubuti ng iilang nakaupo sa posisyon, maling mali!

Pero sa kasalukuyang isinusulong ng administrasyon, malayo sa mga ito ang kanilang layunin. Nais nilang baguhin ang konstitusyon hindi para mapahusay ito, kundi lalo pang mapalala ito. Kundi sa pangsariling interes lamang. Anumang pagtatangka ng kasalukyang administrasyon na pagbago sa konstitusyon, kung nakabatay lamang sa kani-kanilang pansarili at makitid na interes, tiyak na walang mapapala ang taumbayan. Kaya ang nagiging kapalit ng kanilang ganid na pakana ay ang walang tigil na mga protesta ng karamihan kontra sa isinusulong ng administrasyon.

Ang CON-ASS ay bahagi lamang sa buong agenda ng rehimeng GMA sa pagbabago ng ating Constitution o CHA-CHA. Sa buong proseso ay hindi man pinaliliwanag sa sambayanang Pilipino ang dahilan bakit kinakailangang baguhin ang Constitution sa panahong ang buong bansa ay humaharap sa napakatinding pampinansyang krisis.

At ang panghuling tanong, kung sino, ay madali nang masagot sa batayan ng sagot kung bakit dapat baguhin. Dahil gusto ng administrasyon na magpatuloy sa kapangyarihan, mas humaba ang termino para mas tumagal ang pandarambong nila, kaya nila gustong baguhin ang konstitusyon. Kung magiging dahilan  ng pagbabago ang pambansang interes, ang pambansang demokrasya at kaunlaran, malinaw na ang mamamayan ang dapat bumago sa konstitusyong ito. Pero bago pa man mangyari iyon, kailangan munang maalis ang pinakamalaking balakid sa mamamayang Pilipino, ang rehimeng Arroyo.

Hindi natin kailangan ang CHARTER CHANGE… ang kailangan natin ay  SOCIAL CHANGE.

Ikaw kaibigan, tutol ka ba sa CON-ASS o gusto mong maging parte ng CON-ASwang? Nasa sa iyo ‘yan!