Archive for Hulyo, 2010

Ang Unang SONA ni PNoy

Lahat tayo ay nasaksihan ang unang SONA ni P-Noy. Sa panimulang salita ni P-Noy, narinig natin ang kanyang pag-uulat tungkol sa nagdaang administrasyon at kalagayan ng ating bansa. Inilahad niya ang mga problema na iniwan ng dating Pangulong Arroyo. Na sa tingin ko ay tama naman na ilahad niya ang dapat malaman ng taong bayan.

Bagamat hindi malinaw ang kanyang programa, naiintindihan ko kung bakit. Mahirap mangako lalo na kung sa tingin mo ay mahirap matupad. Lalo na sa panahon ngayon na puro problema at kakulangan sa pundo ang kinakaharap ni PNoy. Naalala ko ang sinabi niya noong Hunyo 30 sa kanyang inagurasyon, na sa kanya ngayon ang kalbaryo. Totoo naman, sinong president ang hindi sasakit ang ulo kung ganito kalaki ang problemang ibinilin sa kanya?

Tayong mga Pilipino ay matagal ng naghahangad ng maganda at matinong mamamahala ng ating bansa. May punto si Pnoy sa pagsasabing, magtulungan tayo para sa ikakaunlad ng ating bansa. Hindi lamang siya ang kikilos kundi tayong mga pinoy.

Sa kanyang State of the Nation Address, wala mang pangakong binitawan, umaasa ako na sana magkaroon ng solusyon ang mga problema. Magkaisa sana tayong mga Pilipino sa pagtulong sa pagpapabuti ng ating mahal na bayan. Hangad ko rin ang kapayapaan sa Mindanao at katarungan sa mga taong hindi nabigyan ng hustisya.

Bilang isang pinoy, ako ay magbabantay, makikibahagi at makikilahok. Sana kayo rin!


Ang bagong administrasyon ng Pilipinas sa pamumuno ni P-Noy

Sa tanang buhay ko ngayong lang ako tumutok sa inagurasyon ng pangulo ng pilipinas. Dati kasi wala akong pakialam. Hindi ako ‘yong taong politically inclined. Ang ibig kong sabihin, pagdating sa ganyang usapin, hindi ako ang taong nagbibigay ng opinion at nakikipagdiskusyon.

Pero dumating sa puntong naiba na, naging concerned ako sa mga nangyayari sa gobyerno natin. Sa mga katiwalian ng bawat sector sa gobyerno. Simula ng nakatikim ang nanay ko ng hindi pagtanggap ng kanyang pension sa loob ng walong buwan, doon ko naisip na iba na ito. Na ganito pala talaga ang kalakaran ng gobyerno.

Sa pagpalit ng bagong administrasyon sa pamumuno ni P-Noy, marami ang naghahangad ng pagbabago at isa na ako. Hindi maikakaila na pagod na tayong mga pinoy sa mga katarantaduhan ng nagdaang administrasyon.

Sa mga sinabi ni P-Noy, nagagalak ako at napaisip na sana ito na ang pagbabagong hinahangad ng bawat Pilipino. Totoo, walang pagbabago kung siya lang na pangulo ang kikilos. Kung walang tulong na galing sa mamamayan. Kung hindi transparent ang lahat ng kawani sa gobyerno. Kung may mga magnanakaw, kung may nangongotong. Ang pagbabago ay dapat simulan ng bawat Pilipino hindi lang ng pangulo.

Si P-Noy daw ay kulang sa karanasan (ayon sa kanyang mga kritiko) bilang mambabatas. Paano daw niya pamumunuan ang bayan? Hindi natin alam, pero hindi naman siya siguro mangangahas na tumakbo at umupo bilang pangulo kung sa kanyang palagay ay walang siyang kapasidad mamuno. Oo, kulang siya sa karanasan. Oo, wala siyang nagawa (daw) noong siya ay kongresista at senador pa. Bakit, ‘yong mga naging pangulo at sobra sa karanasan ba ay naging maayos ang takbo ng Pilipinas? Hindi nga ba ang nagdaang pangulo ay sobra-sobra ang karanasan pero ang nangyari puro kurakot ang alam! Hindi nga ba dahil marami siyang alam, halos ang yaman ng bayan ay muntik ng masamsam!

Ngayon natin masusubok ang kakayanan ni P-Noy. Bigyan natin siya ng pagkakataong mamuno gaya ng pagbibigay natin sa mga nagdaang pangulo. Suportahan natin ang kanyang mga panukala para sa ikagaganda ng bayan. Ipagdasal natin na sana hindi siya malihis sa baluktot na daan at magkaroon ng tapat ng mga kabinete.

Sa kapwa ko pinoy, magtulong-tulong tayo sa pagpapaunlad at pagbabago ng ating bayan.