Ang ikalawang buhay

Nobyembre 7, 2009

Naniniwala ka ba sa himala? Meron akong kwento sa ‘yo… nasa sa ‘yo na kung maniniwala ka o hindi.

Tatlong araw ang nakaraan, may bisita akong nadatnan sa bahay. Isang kaibigan na ilang taon ko ng hindi nakikita. Sa ilang taon na ‘yon, hindi ko alam kung ano ang nangyari sa buhay nya. Kaya naglakas loob akong kumustahin at tanungin siya.

Doon ko nalaman na nagkasakit pala siya. Halos tatlong taon siyang hindi nakalakad at ilang buwang nabedridden.

Ganito ang nangyari: nagkaroon siya ng mga bukol sa paa. Dahil sa bukol na ‘yon, nagpakunsulta siya sa isang doctor sa pag-asang gagaling siya. Sa ilang araw nyang pag-inom ng gamot, lalong lumubha ang kalagayan nya. Dahil sa sitwasyon, lumuwas sila ng maynila para magpakunsulta ulit. Doon nila nalaman na ang binigay na gamot sa kanya ay mali.

Dahil malayo ang maynila sa bayan namin, hindi na sila umuwi. Nagpasya ang kanyang ina at kapatid na iuwi siya sa angeles kung saan nakatira ang ate niya.

Sa pag-aakalang gagaling siya, lalong lumala ang kalagayan nya. Para siyang patay na buhay. Patay, dahil ang katawan nya ay wala ng silbi. Nakaratay na siya sa higaan. Buhay, dahil utak lang nya ang gumagana. Ni hindi na siya makakain, kahit isang baso ng gatas hindi niya maubos. Dahil sa sitwasyon niya. Naisip niyang magdasal na lamang. Humingi ng kapatawaran sa mga kasalanang nagawa. Ang magpatawad.  Baka sa makalawa bigla siyang mawala. Araw ang bumilang…. “Huwag mong bibilisan ang pagdarasal, hindi ka naiintindhan.” Sa pagdarasal niya bigla meron siyang narinig na bulong. … nagulat siya kasi wala naman siyang kasama sa kwarto. “Magdasal ka lang ng magdasal, huwag mawalan ng pag-asa…ako ang Ina ng Saklolo. Umupo ka, humarap sa silangan para makita ka niya.” Hindi nya namalayan nakaupo na pala siya. Samantalang ilang buwan na nyang hindi maigalaw ang katawan. Biglang pumasok ang ate nya, nagtaka kung bakit nakaupo siya. “Ate, nakakaupo na ako!”napaluha ang ate niya. “Ate, sino si Ina ng Saklolo?” “Hindi mo ba siya kilala chet? Siya ang hinihingan natin ng tulong kapag meron tayong problema. Siya ang lagi natin tinatawag sa tuwing tayo ay nawawala sa landas. Siya si Mother of Perpetual Help.” “Pasensiya na ate, hindi ko alam na siya pala si Mother of Perpetual help.”

Lumipas ang mga araw, pagdarasal pa rin ang ginagawa niya. May naririnig na naman siyang bulong ….”Lumuhod ka sa harap ng altar anak para mas lalong marinig at maramdaman niya ang iyong pagdarasal.” Namalayan na lang niya na nasa harap siya ng altar nakaluhod. “Turuan mo silang magdasal…” Simula noon, sama-sama silang mag-anak sa pagdarasal. At siya, ang aking kaibigan… tuluyan ng gumaling.

Si Chet ngayon kahit hirap ang buhay patuloy pa sa paglaban. Tanging dasal ang kanyang panlaban.


Alaala ng Undas

Oktubre 31, 2009

DSC00766

Choi:     Riz, lapit na pala undas.

Rizz:      Oo nga choi.

Choi:     Ano, kayo pa rin ba ngayon ang kumakanta sa mga misa sa sementeryo?

Rizz:      Oo naman. Pero hindi na gaya ng dati.

Choi:     Bkit naman?

Rizz:      Iba na ngayon. Maraming na kasing choir. Kaya may schedule na sa mga misa kung sino kakanta.

Choi:     Ganun ba? Dami na pala nabago ‘no!

Rizz:      Syempre naman, mukhang ikaw lang yata ang hindi nagbabago Choi…hehehe

Choi:     Sira! Eh ikaw nga dyan… baliw ka pa rin.

Rizz:      Aysus! Di ka na nasanay sa akin. Magtaka ka kung bumait ako hehehehe.

Choi:     Hahahahaha naku… puro ka kalokohan. Naalala ko tuloy noon.

Rizz:      Ang alin?

Choi:     Noong kumanta tayo sa puntod ng magulang ni Fr. Joe.

Rizz:      Ah ‘yon ba! Hahahahaha Oo nga. Hindi mo pa rin makalimutan ‘yon Choi ha.

Choi:     Syempre, sino ba naman ang hindi makalimot. Eh kasama kaya ako doon sa mga pamankin ni Padre.

Rizz:      Hahahaha.. Ano nga pala Choi ang pakiramdam mo noong nasa loob ka ng puntod?

Choi:     Amf… tanungin ba ako. Xempre, kinilabutan ako. Ikaw ba naman mahulog sa puntod na may lamang patay. Hindi ko naman kasi akalain na babagsak kami.

Rizz:      Asus di daw! Eh, bago pa nagsimula ang misa pinagsabihan na kayo ni padre na iwasan ang  tumuntong sa ibabaw ng puntod. Pero sadyang matigas ulo nyo kaya ayon, bagsak ang puntod. Sa dami nyo ba naman. Hahahaha

Choi:     Tawa ka dyan!

Rizz:      Totoo naman di ba? Tuloy naabala pa ang misa. Pati si padre di napigilan ang tumawa.

Choi:     Lokong yon, imbis na tulungan kami.. pagsabihan pa ng “buti nga sa inyo”.

Rizz:      Hahahahaha si Padre pa.

Choi:     Hay… those were the days… nakakamiss din ang mga escapades natin noon.

Rizz:      Oo nga. Woi Choi, sama ka sa petsa 2 ha. Kanta tayo sa sementeryo. Isa na lang schedule ng grupo natin. Hindi na tayo ‘yung  dati na indemand sa kantahan hehehehe

Choi:     Ganun ba. O sige sama ako. Anong oras ba schedule natin?

Rizz:      Alas onse ng umaga. Doon na lang natin ituloy ang kwentuhan.

Choi:     Ok sige. Namiss ko tropa. Lalo na ang inuman hehehehe

Rizz:      Asus! Ok… kita kits na lang tayo sa dos Choi.

Choi:     Ok

Si Choi ay kasamahan namin sa choir na nagtrabaho sa ibang bansa. Ilang  taon din kaming hindi nagkita , ngayon lang ulit sya umuwi.


Si PGMA ay lumagda sa isang akda na naglalayong palitan ang TTMIST para maging NSSU

Oktubre 17, 2009

Noong Oktubre 14, pinirmahan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Republic Act 9,719 sa pagpapalit ng Tiburcio Tancinco Memorial Institute of Science and Technology (TTMIST) upang maging ganap itong unibersidad at papangalanang Northwest Samar State University (NSSU). Ang unibersidad ay pinangungulohan ni Dr. Socorro Bohol.

Ayon kay Dr. Bohol, ang pagiging unibersidad ng paaralan ay magbibigay ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga magtatapos. “Inaasahan namin ang pagtaas ng mga enrollees dahil sa pagiging unibersidad na ibinigay sa amin,” ayong kay Bohol.

Sinabi din ni Dr. Bohol na ang pagiging unibersidad ay isang malaking karalangan at malaking responsabilidad para sa kanila para matiyak ang mga pamantayan  ng pagiging isang unibersidad.

“Ang Commission on Higher Education (CHED) ay walang anumang inaasahan kundi isang pamantayan ng pagganap sa mga nangungunang unibersidad sa bansa,” ayon kay Dr. Bohol.

Sa darating na Nobyembre, sa kanilang Board meeting…magdedesisyon sila kung kalian ang inagurasyon at installation ng pangulo ng unibersidad.

Si Dr. Bohol ay pinarangalan bilang unang pangulo ng unibersidad at unang pangulo na babae.


Ang ika-61st Anibersaryo ng Calbayog City

Oktubre 9, 2009

Sa silibrasyon ng ika-61st anibersaryo ng Calbayog, maraming gawain ang naka-iskedyul ngayong oktubre. Ang iskedyul ng mga gawain para sa 61 Anibersaryo ng Calbayog Calbayog ay nailabas na. Ang limang-araw na pagdiriwang ay magsisimula sa Oktubre 12, 2009 alas 6:00 ng gabi.

Narito ang isang detalyadong listahan ng mga gawain:

Oktubre 12, 2009

- 6:00 pm: Pagbubukas ng Fun Center, Agri-Fair, Food Kubol, Beer Plaza at Tiangge-kiosks.
- 8:00: Street Beat Party Mix kasama ang isang International DJ, Strakatz at Voyztag Bands.

Oktubre 13, 2009

- 5:00: Tinapa Foodfest
- 6:00: PBA Legends vs Calbayog selections. Ang mga inaasahan na lalahok ay sina Nelson Asaytono, Benjie Paras, Noli Locsin, Rey Evangelista, Ronnie Magsanoc, Alvin Patromonio at Allan Caidic.
- 8:00: PBA Legends photo ops / clinic

Oktubre 14, 2009

- 9:00: Math olimpyad / quiz Bee
- 7:00: Aegis Live in Calbayog

Oktubre 15, 2009

- 9:00: Medical / Dental Mission
- 7:00: SABADO Boys Live in Concert

Oktubre 16, 2009

- 7:00: Charter Day parade
- 9:00: Calbayog City Sport Center inauguration; Awarding ng The Most Outstanding Calbayognon.
- 10:00: Pa-raffle sa Barangay
- 7:00: Renz Verano, May Rivera at Jackston Brothers Live!

61charter


Salot ka ba ng kalikasan o kaibigan?

Oktubre 5, 2009

Ang Pilipino ay may kaugalian  na kapag dumating ang kahirapan, sakuna, trahedya o problema, ang pagkabayani ay hindi ipinagdadamot maliit man o malaking bagay basta pagtulong sa kapwa ay hindi nagdadalawang isip.

the spirit of bayanihan

the spirit of bayanihan

Ito ngayon ang ating nakikita san man sulok ng mundo. Nakikita natin ang pagiging matulungin mahirap man o mayaman, bata man o matanda, may sariling isip kung ano dapat maibigay at maitulong. Hindi natin maikakaila na likas na sa ating mga pinoy ang pagkakaroon ng malambot na puso. Tayong mga pinoy ay hindi maramot. Likas sa atin ang pagiging matulungin.

Halimbawa na lang ang pangyayari ngayon, kahit na ‘yon mismong nasalanta sa bagyong Ondoy… sila rin ay tumulong sa pagsagip, pagpapasilong sa kani-kanilang mataas na bahay, pagshare ng kanilang pagkain. Meron pa ngang nagbuwis ng buhay para masagip ang mga taong nangangailan ng tulong.

Ang mga pribadong sector, mga estudyante, mayayaman, medya, artista, politicians…. Lahat nagkakaisa sa pagtulong sa paglilinis ng mga lugar, bahay, at paaralan. Nagtulong-tulong sa pagbabalot at pagbibigay ng mga relief goods.

Lahat ng ito ay kusang gawa ng kapwa natin Pilipino. Lahat ng ito ay ginagawa dahil sa pagmamahal sa kapwa natin Pilipino.

Hindi nga ba nakakataba ng puso na nakakatulong tayo sa kapwa natin? Hindi nga ba mas maganda na ang biyayang bigay sa atin ng Diyos ay ibahagi natin?

Kapag ganito tayo lagi… doble ang biyayang naibabalik sa atin ng hindi natin namamalayan.

Oo, meron iba dyan na makasarili. Minsan meron pa ngang manloloko, nangguguyo, nagnanakaw…. Pero iilan lang sila… naging bahagi na sila ng buhay. Kagaya ng mga salot sa ating kalisan… ang baha ay bahagi na ng ating kalikasan dahil na rin sa pagiging burara ng ibang tao. Dahil na rin sa hindi inaalagaan ng maayos ang kapaligiran. Dahil na rin sa kung saan saan tinapon ang mga basura, mga pagputol ng punongkahoy, mga pagmimina na wala sa lugar at pagka-ingin. Iilang lamang ‘to sa mga rason kung bakit tayo nakakaranas ng ganitong sakuna.

tree

Sana lang, sa nangyaring ito sa ating bansa… ito’y aral sa atin upang tayo ay mag-isip ng tamang gawin at magbago na rin. Huwag nating hahayaang maulit pang muli ang trahedya. Huwag natin hayaan na ang mga susunod na henerasyon ay hindi na makita pa ang kagandahan ng kalikasan. Huwag natin hayaan na sila ay makaranas ng naranasan ng iba ngayon.

Sa puntong ito… hindi lang kasikasan ang maganda, pati na rin tayong mga nilalang. Magandang pamumuhay ang ating masisilayan at masarap na hangin ang malalanghap.

Ikaw kaibigan, pipiliin mo ba ang maging salot ng kalikasan o maging kaibigan?


Ang bangis ni Ondoy

Setyembre 29, 2009

Habang pinapanood ko sa telebisyon ang mga balita tungkol sa bagyong Ondoy, parang nadurog ang puso ko sa mga nangyayari.. Pakiramdam ko isa ako sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy.

Ang hindi inaasahang mangyayari sa buhay natin ay nangyari na nga. Ang hagupit ng kalikasan ay hindi natin saklaw. Wala itong pinipiling lugar at oras.

Sa hagupit ni Ondoy, bumaha sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas lalo sa Marikina, Quezon City, Rizal at mga karatig bayan. Lampas tao ang baha. Lumubog ang maraming bahagi sa Central Luzon. Rumaragasa ang tubig ng malakas at tumaas ng bigla. Sa hagupit ni Ondoy, naroong may landslide, pagkaguho ng tulay at pader.

Sa Marikina ang pinakamalala ang sitwasyon. Halos bubong ng mga kabahayan na lang ang nakikita dahil sa taas ng tubig. Kaya ang mga tao nasa ibabaw ng bubong. Naghihintay ng tulong para sila ay masagip. Ang iba ilang araw ng babad sa bubong na basa at nanginginig ang katawan, walang matulugan at walang makain.

Dahil sa bagyong Ondoy marami ang namatay, nasugatan at nawawala. sa araw na ito nadagdagan ang mga namatay… umabot na sa 240, marami pa rin ang nawawala. Ilang pamilya ang nawalan ng tirahan, kagamitan, sasakyan, pera at mga mahal sa buhay. Ang bangis ni Ondoy ay malaking pinsala ang idinulot. Nawala ang supply ng tubig at koryente.

Ilang bilyong halaga ang pinsalang dulot ni Ondoy. Pinsalang matagal tagal pang igugugol para buohin muli.

image1

image3

rescue 3

rescue 2


Ton-ok Falls, isa sa ipinagmamalaki ng mga Samareño

Setyembre 28, 2009

Sa tanang buhay ko ngayon lang ako nakarating sa Ton-ok Falls. Kung iisipin malapit lang puntahan ang falls. Actually, pangalawang beses ko na

Sept. 9, 2009, katatapos lang ng fiesta sa lugar namin (Calbayog City)…. Nagkayayaan kami sa bahay magpunta sa Ton-ok Falls kahit na pagod sa nagdaang fiesta. Iyon ay dahil na rin sa rasong may maibabaon kami dala ng sobrang pagkain sa fiesta hehehe.

Ang Ton-ok Falls ay mararating ng 45 minutos lamang sakay sa isang klaseng sasakyan na dito mo lang makikita sa Calbayog City. Ang tawag naming sa sasakyang ito ay CENTER CAR. Bakit nga ba center car?…. single na motor siya na naiconvert na parang multicab Iyon nga lang… nasa sentro ng sasakyan ang motor na ginawan ng kaha gaya ng multicab. O di ba! Kakaiba siya!

Nang makarating kami sa Brgy. Sigo, naglakad pa kami ng 25-30 minutos at tumawid sa hanging bridge na ang haba ay 50 meters. Ang ibang kasamahan namin takot tumawid. Kaya tuloy natrapik sa gitna ng bridge =)) at lahat kami nasa gitna.

Umabot ng isang kilometro ang nilakad namin na nagdulot naman ng kaginhawaan ng marating at makita ang falls. Ang Ton-ok Falls ay isang tanawing talon at larawan sa pamamagitan ng mga bato at tubig na parang serye ng katarata-tulad ng mga hakbang mula sa ibaba galing sa pinakamataas na bahagi ng bundok. Ang Mini-Hydro Electric Power Plant ay matatagpuan dito.

ton-ok 8

ton-ok 9

ton-ok 4

ton-ok 6

ton-ok 17


Ang Fiesta ng Calbayog

Setyembre 20, 2009

Taon-taon ang fiesta ng Calbayog City ay laging bongga kung magcelebrate. Hindi lang isang araw kundi isang linggong meron activities na mapapanood.

Sa taong ito….. nagkaroon ng malaking selebrasyon ang calbayog dahil sa bagong bukas na Gymnasium. Ang pinakamalaking Gym sa isla ng Samar.

gym2_ctr

Simula Setyembre uno hanggang otso…. gabi-gabi may mapapanood ka.

Ang Hadang Festival (Sarakiki) ay isang paraan ng pagsasayaw na ang kilos ay parang isang manok. Ito ay street dancing. Naging entry at nanalo ang Sarakiki sa Aliwan Festival. Ang hadang ay isang ritual dance na nag aalay ay isang pamahiin.

3_Noel

Isa sa mga naging atraksyon sa Hadang Festival ay ang konsyerto ni Noel Cabangon na ginanap noong Setyembre 3. Si Noel ay nakilala sa mga kanta nya tulad ng KANLUNGAN at TATSULOK. Sinundan naman ito kinabukasan ng gabi ng isang beauty pageant. Eto ay MS. ANYAG (beauty).

4_Ladine

Setyembre 5 naman ay si Ladine Roxas ang nagbigay saya sa mga Calbayognon. Syempre hindi pahuhuli ang local artists. Nagbigay saya din sila maliban kay Ladine.

5_MMYMP

Setyembre 6 naman ay pinamunuan ng MYMP (make your momma proud). Syempre MYMP sila…. punong-puno ang gymnasium. Meron pa ngang hindi nakapasok. Pero dahil ang capacity ng gym ay hindi naman masyadong malaki para iaccomodate ang mga tao…. nagtyaga na lang ang iba sa labas sa pakikinig.  Dahil nag-enjoy ang lahat… napakanta pa ng isa si Joris.

Ang pinakahuling araw (septyembre 7) ay puro mga artista ang naglaro ng basketball. Sa kasamaang palad hindi nakapanood ang inyong lingkod dahil sa sobrang busy na sa bahay sa pag-aasikaso. Ayon sa kwento ng mga nakakita… nag enjoy daw sila dahil puro patawa daw ang isang artista.


Kojie

Agosto 20, 2009

DSC01122Bandang alas singko ng umaga kanina, nagulat ako sa ikinuwento sa akin na ang alaga naming aso ay namatay. Hindi ko akalain na ang inaalagaan at minahal naming aso ay mamatay dahil lamang sa kawalanghiyaan ng mga taong sugapa sa aso.

Si Kojie (pangalan ng aming aso) ay kakaibang klaseng aso. Hindi siya pangkaraniwang aso. Isang aso na bihira lang makikita . Bata palang siya ay nadala na sa hospital dahil sa sakit na akala namin ay wala ng pag-asa. Pero ng iuwi namin si Kojie nadugtungan ang buhay niya dahil sa pagmamahal at kalinga.

Si Kojie na kinaiinggitan dahil masyadong spoiled. Si Kojie na sa tuwing lunes laging may bagong damit. Si Kojie na araw araw pinaliliguan at tinutotbrasan. Si Kojie na katabi  sa pagtulog sa kama. ‘Yan ang buhay ni kojie dahil siya ay special hindi lamang sa pag aalaga kundi special siya dahil masyadong maselan ang katawan at balat.

Si Kojie ang klase ng aso na walang balahibo. Ang tawag nga kanya kalabaw kasi parang kalabaw walang balahibo kita ang balat. Ang tawag talaga sa kanya ay Mexican Hairless. Kaya maselan ang balat nya. Magaling magkasugat at madaling mangati.

Nakakalungkot isipin na wala na si Kojie. Namatay siya dahil sa ipinaing pagkain na may lason kasama ng ina nya. May mga taong likas na walang awa talaga. Kahit na ito ay isang aso lamang… may buhay din ang aso. Nakakaramdam din ng sakit, tuwa at sama ng loob. Kung iisipin, ang aso ang bantay natin sa bahay. Ika nga, “Man’s bestfriend”.  Minsan nga ang aso ang nagliligtas sa buhay natin.

Ang aso ay parte na ng buhay namin. Bata palang ako mahilig na ako sa aso. Kaya kapag nakikita kong merong asong sinasaktan o kinakatay…. nadudurog puso ko. Minsan meron akong nadaanang bahay na may asong nililitson… napamura at napaluha ako sa galit.

Maraming aso na ang nabiktima ng kawalanghiyaan ng mga taong dumale kay Kojie. Hiling ko lang sana makarma ang mga taong gumawa ng kawalanghiyaan sa mga asong walang kalaban-laban.

Kaya ng malaman kong wala na si Kojie parang nawalan din ako ng kapatid o kapamilya. Masakit isipin na ang pinakamamahal mong alaga sa isang iglap lang. Wala ng Kojie na sasalubong sa akin sa tuwing ako ay uuwi. Wala ng Kojie na makikipagharutan sa akin. Wala ng Kojie na makikipag agawan ng pwesto ko sa higaan at makakatabi ko sa pagtulog sa gabi.


Maraming Salamat at Paalam Tita Cory

Agosto 5, 2009

Ang pagkawala ng simbulo ng kalayaan ng bansang Pilipinas ay isang malaking kawalan ng mamamayang Pilipino. Ang kauna-unahang babaeng presidente ng Pilipinas na naging daan tungo sa demokrasya. Ang babaeng napakatatag, simple, mapagmahal, mabait at maka-Diyos.

3764689605_26b849a840_m

Labing-apat na taon ako nang nabuhay ang People Power. Malayo man ako sa kaganapan, narinig ko sa radyo at nakita ko sa telebisyon ang mga pangyayari. Iba-ibang klase ng tao ang nagsamasama, may mga pari, madre, seminarista, tatay, nanay at mga bata. Mga sundalo, mayaman at mahirap. Lahat nagkaisa para sa pagpapababa ng diktador.

lopezphoto

Naging presidente si Tita Cory…. sa loob ng anim na taon ng pamumuno nya, maraming coup ang dumaan pero hindi natinag ang dating pangulo. Hindi man naging perpekto ang pamumuno ni Tita Cory, hindi man nakontento sa serbisyo niya ang ilan sa mamayang Pilipino, hindi man natupad ang ibang pangarap para sa bayan…. ang pagiging malaya ng sambayanan ay naisakatuparan.

cory_aquino_pic

Sa pagkawala ni Tita Cory, marami ang nalungkot. Nalungkot dahil wala ng Cory na makikitang nakikipaglaban sa bayan, nalungkot dahil isang ina ng bayan ang nawala. Sa kabila ng lungkot, masaya na rin dahil hindi na siya naghirap. Masaya dahil kasama na niya ang kanyang mahal na asawa na si Ninoy, masaya dahil kasama na niya ang Poong Maykapal.

3790651261_f01b596f41_m

Sa naganap ng necronological service kagabi, lahat ng malalapit sa puso ni Tita Cory ay nagbahagi ng kanilang kuwento habang nabubuhay pa ang pangulo. Maging ang naging kritiko ni Tita  Cory nagbigay ng madamdaming pahayag.

3791253127_174502910f_m

Sa huling araw ni Tita Cory… bumalik ang isang kaganapan. Gaya noong namatay at inilibing si Ninoy. Kapwa pinoy makikita mo kahit saan habang pinakikinggan at pinapanood ang huling misa kay Tita Cory. Habang inihahatid siya sa kanyang huling hantungan lahat nakikiisa sa pag-iyak. Lahat may kanya-kanyang sariling kwento. Nagsamasama sa iisang adhikain. Hindi alintana ang panahon, pagod, at gutom makapagbigay pugay at makapagpaalam lamang kay Tito Cory. Umabot ng halos siyam na oras ang funeral parade. Emosyonal hindi lamang ang mga anak at kaanak ni Tita Cory kundi pati na rin ang mga kaibigan at mga taong nakapalibot sa Memorial Park.

Sa huling hantungan ni Tita Cory, lahat ng sulok ng Pilipinas nakatutok sa telebisyon, lahat nagpugay at nagbigay galang.  Si Tita Cory ay simbulo ng kapayapaan at kagitingan.

Sa iyo Madam Cory Aquino…. Maraming salamat sa pagbabahagi ng iyong buhay sa sambayanang Pilipino. Maraming salamat sa pagmamahal na iyong ipinadama sa buong Pilipino. Maraming salamat sa ‘yong pagiging ina ng iyong mga anak at ng bawat Pilipino. Magiging bahagi ka ng buhay ng bawat Pilipino.

Maraming Salamat at Paalam… Tita CORY!

3790793933_2cfa94cbe9_m